Friday, May 29, 2009

Adiós Oruga



Adiós Oruga

Nakatutuwang isipin na hanggang ngayon, naaalala ko pa rin ang mga sandaling lipas na. Kung papaano ko ibuhos sa harap ng isang Diary ang lahat ng mga bagay na nakapanlulumo sa’kin. Ang mga sandaling iyon na wala pa akong tamang konsepto ng pagpapalaya sa sarili at pagpapanibagong-hubog.
Ang Diary na iyon ang nagsilbing lunduyan ko ng mga malalalim na reserbasyon na hindi ko ganap na masabi sa isang tao dala na rin ng hiya, pangamba, o isiping isa lamang itong porma ng panlilibak. Ito rin ang nagsilbing kulungan ng mga ikinubli kong kahinaan at kontradiksyon sa buhay na mahirap kong mapangibabawan. Minsan pa nga, may mga pagkakataong nababasa ito ng mga kapatid kong mahilig makialam sa mga gamit na hindi naman kanila. Ang resulta, nagiging komplikado lang tuloy ang lahat.
Sa pagdaan ng panahon at sa proseso ng aking ganap na pagkamulat, lubos ko ring naunawaan ang esensya ng wastong pagpuna sa iba at pagpuna sa sarili. Aminado naman ako noong una na hindi madaling tanggapin ang mga negatibong puna sa’kin kung kaya’t labis na lang kung magdepensa ako sa’king sarili. Aminado rin ako noong una na minsa’y naging personal at suhektibo ako sa paraan ng pamumuna. Sa kalaunan, tuluyan ko rin naman itong naiwaksi.
Mayroong mga bagay na positibo at negatibo na hindi ko nakikita sa sarili at nakikita ng ilang mga kasama kong malalapit sa’kin at saksi sa ilan kong mga gawain. Ang mga bagay na ito na lingid sa’king kaalaman ang nagpapaunlad sa’kin. Gayunpaman, wala namang puwang ang pag-alam lamang sa kahinaan kung walang pagpapanibagong-hubog na magaganap sa sarili. Binuwag ko ang liberal na kaisipang “If they could not accept my worst, they don’t deserve my best.” Sa pagsasapraktika ng pagpapanibagong hubog, laging may paraan at oras para baguhin ang mga bagay na alam ng mali at makakasagka sa pagpapaunlad ng sarili. Hindi man madalian, ngunit nasa proseso.
Muli, binalikan ko ang mga matatamis at mapapait na ala-ala na pinagpaguran kong isulat sa’king Diary. Nalaman kong maraming mga bagay ang nagbago sa’king buhay at alam kong maaari pang magbago pagdating ng panahon.
Sa kasalukuyan, marami pa rin naman akong mga kahinaan. Mapa-internal o external man, patuloy ko pa rin itong binabaka sa sarili sa kabila ng walang katapusang mga kontradiksyon.

2 comments:

  1. “If they could not accept my worst, they don’t deserve my best.”

    ang personal ng blog no? napanood ko to sa palabas ni john lloyd at bea. Parang naedit lang. :)

    ReplyDelete
  2. hehe, fan ka pla ng "Bea-john Lloyd love team" hehe =p

    ReplyDelete