Friday, May 22, 2009

Martsa sa Marso

Martsa sa Marso

Hindi lamang sa pagtanggap ng diploma, mga papuri o gantimpala nasusukat ang pagiging isang matagumpay na indibidwal; ang pag-aalay ng lakas at talino sa bayan ay malaking hakbangin tungo sa pag-akyat sa tunay na entablado ng ganap na tagumpay—hindi lamang tagumpay ng pansarili kundi pati ng sambayanan.

Muli na namang dumating ang araw ng pagtatapos sa Pamantasang Normal ng Pilipinas kung saan muling nilisan ng mga bagong hulmang guro ang pamantasan upang harapin ang panibagong hamon ng pagiging isang ganap na guro. Dito nila lubusang masisilayaan ang ilang mga iregularisasyon ng edukasyon sa bansa partikular ang mga gurong magsisipagturo sa mga pampublikong paaralan.

Batay mismo sa estadistika ng gobyerno, may kakulangan ng 49, 000 na silid-aralan at may 2,381, 943 na mga mesa/upuan sa ating mga paaralan. Mayroong 0.33 ratio na bilang ng libro at bilang ng mga estudyante sa mga pampublikong paaralang pang-elementarya at 0.6 naman sa hayskul. Ito ang resulta ng pababang kalidad ng edukasyon. Halimbawa, sa 1999 Third International Math and Science Study, ang Pilipinas ay pumuesto ng 36th sa kabuuang 38 na bansang sumali.

Gayunpaman, isa ito sa mga suliraning hindi malayong masaksihan ng mga magiging gurong magsisipagtapos sa Normal. Magiging isang hamon ito para sa kanila kung papaano sila tutugon sa ganitong uri ng mga suliranin.

Nang dumalo ako sa Senior’s conference mula sa Departamento ng Ingles noong buwan ng Pebrero, ibinahagi sa amin ng mga seniors ang mga hindi nila makakalimutang karanasan sa kanilang off-campus kung saan negatibo ang karamihan ng kanilang mga ibinahagi gaya ng mga kakulangan sa pasilidad, gamit at iba pa. Gayunpaman, alam kong hindi pa sasapat ang karanasang iyon upang ganap nilang maunawaan ang inaanay ng sistema ng edukasyon sa bansa. Sa tuluyan nilang paglubog sa mundo ng pagtuturo, marami pa silang matutuklasan at mararanasan.

Mismong ang mga seniors na rin ang nagsabi na sa pagiging isang guro, kinakailangan ng sapat na tapang dahil sa pagtuturo, hindi lamang kaalaman ang ibinabahagi sa mga estudyante ngunit kinakailangan ding maiparamdam sa kanila kung papaano sila mapoprotektahan sa oras ng pangangailangan. Kunsabagay, isang makabuluhang kaisipan ang kanilang napagtanto ngunit hindi lamang ito sa simpleng usapin ng pagtatanggol sa kanila sa nakakaaway na frat sa labas ng silid-aralan o kung anu pa man. Sa halip, mas malaking usapin ito ng pagtatanggol sa mas malaki pang kaaway—ang patuloy na budget cut ng gobyerno sa edukasyon.

Mula sa Badyet ng Pamahalaan para sa Taong 2004 at manipesto ng Anak Bayan Youth Party at iba pa, mayroon lamang 5.21% porsiyentong badyet ang Department of Defense, 1.5 % ang para sa kalusugan, 0.3% ang para sa pabahay at 15.4% ang para sa edukasyon. Gayundin, mayroon lamang P15.68 bilyun na inilalaan ng gobyerbo sa edukasyon para sa taong 2004 habang mula P42.5 bilyun noong taong 2003, muling itinaas ang budyet ng militar sa P45 bilyun at P33 bilyun naman sa Philippine National Police (PNP). Kung susuriing mabuti, lubhang napakaliit ng badyet ng gobyerno sa edukasyon kumpara sa badyet sa paggamit ng dahas, Ang dahilan, para tuluyang sugpuin ang “terorista” sa bansa. Ngunit hindi naman ito tuluyang masusugpo kung walang mga iregularisasyon sa bansa. Ika nga sa ingles, “it is not the rebels who cause the troubles but it is the troubles that cause the rebels."

Bilang guro, malaki ang responsibilidad na kanilang ginagampanan sa lipunan sapagkat sila ang magsisilbing tagapaghubog sa kamulatan ng mga mag-aaral na magiging susunod na lider at produktibong mamamayan ng bansa.

Sa mga mag-aaral nakasalalay ang kinabukasan ng bansa kung saan ang mga guro naman ang magsisilbing ilaw na gabay upang maisakatuparan ito. Kasalungat nito, tila unti-unti nang dumidilim ang liwanag na ito sapagkat patuloy na ring dumarami ang mga gurong mas pinipiling mangibang-bansa sapagkat kulang na kulang ang sahod at benepisyo mula sa gobyerno ang kanilang natatanggap.

Ayon sa datos ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), nananatili din ang kababaan ng sahod ng mga 500,000 guro sa elementarya at sekundaryong paaralang pambuliko mula P4,000 hanggang P6,000 bawat buwan (sa karaniwan) na take-home pay pagkatapos ng mga deductions at bayad sa utang. Kaya di kataka-taka libo-libong guro ang nabibiktima ng mga utangang 5-6 at nagsasyadline bilang mga tindera ng mga kendi, siopao, at iba pa sa kanilang mga paaralan. Dahil dito, hindi masisisi ang mga gurong mas piniling maging katulong sa ibang bansa dulot ng napakababang sahod ng mga guro sa Pilipinas.
Gayunpaman, dakila ang mga gurong mas pinipiling manatili sa sariling bansa upang ialay ang serbisyo sa bayan at sa kanilang mga estudyanteng nangangailangan ng kanilang hindi matutumbasang serbisyo. Gayundin, wala ng mas hihigit pa sa mga gurong huwaran ng katapangan sa pagtatanggol sa karapatan sa edukasyon ng bawat mag-aaral na silang magpapatuloy sa pamamahala sa bansa sa hinaharap.

Isang malaking hamon sa mga nagsipagtapos na guro sa Normal nitong taon ang landas na kanilang pipiliin—ang magsilbing liwanag na lalagot sa gapos ng karimlan ng bawat mag-aaral na patuloy na nalulugmok sa kabulukan ng sistema ng edukasyon, o ang maging pasibo at intindihin na lamang ang pansariling kapakanan.



Sanggunian:
www.bulatlat.com

No comments:

Post a Comment