Sugal ng Buhay
(Rebyu sa Pelikulang “Kubrador”)
Director: Jeffrey Jeturian
Producer: MLR Films
Lead Cast: Gina Pareño (Amy)
Length: 100 mins
Rating: R-13
Genre: Drama
Plot:
Ipinakita sa simula ng pelikula ang mga lungga ng mga tagapangasiwa ng kubrador ng jueteng kung saan ni-raid sila ng mga pulis. Para hindi mahuli, kani-kaniya sila ng paraan sa pagtakbo at pagtago.
Umikot ang istorya kay Amelita Barmayor o mas kilala sa tawag na Amy, isang kubrador na pinagbidahan ng mahusay na aktres na si Gina Pareño. Bagamat maituturing na iligal ang kaniyang ginagawang pangungubra, mababakas pa rin sa kaniyang katauhan ang pagiging isang mabuting maybahay na masipag na naghahanap-buhay para sa kaniyang pamilya.
Isan araw, kamalas-malasang nahuli si Amy ng mga pulis at natagpuan sa kaniya ang tayaang papel na ginamit niya sa pangungubra. Gayunpaman, mismo ang hepe (Soliman Cruz) ng pulisya at isang pulis sa presinto ang tumaya kay Amy sa jueteng. Matapos mapiyansahan ng kabo (Elmo Redrico; tagakulekta ng mga perang naisusumite mula sa jueteng) nilisan ni Amy ang presinto at pagod na pagod na umuwi sa kaniyang bahay.
Makalipas ang ilang araw, pumayag si Amy sa pakiusap ng may sakit na kabo na humalili muna siya sa pagdalo sa bolahan ng jueteng. Pinasamahan siya sa binatang si Baste sa pagpunta sa isang tagong lugar. Pagdating ng table manager (tagamasid ng bolahan ng jueteng), sinabi nito sa lahat ng kabo na kanselado na ang bolahan ng jueteng at mayroon nang nanalong numero. Samantala, ang tatay ni Baste ang nakatsambang nakakuha ng tamang kumbinasyon. Dinala sila ng Table Manager sa isang kahero ng jueteng (Johny Manahan) kung saan naroon ang limpak-limpak na salaping kinikita sa jueteng na ibabahagi sa mga pulitiko. Dito kinuha ni Baste ang 180 libong napanalunan ng kaniyang ama.
Pagdating sa bahay, isang masamang balita ang ibinungad ng pilay na asawa ni Amy na si Eli (Fonz Deza) sa kaniya. Hinabilinan ng kapitbahay si Eli na ipag-bigay alam kay Amy ang kaniyang taya ngunit nakalimutan itong gawin ni Eli dala ng matinding pagkakatutoksa gameshow. Galit na galit ang kapitbahay nang malaman niyang nanalo siya sa jueteng ngunit hindi naitaya ni Amy ang kaniyang numero. Walang ibang naisip na paraan si Amy kundi ang mangutang nalang sa kabo upang ibayad sa nanggagalaiti niyang kapitbahay habang pinagbalingan niya ng sisi si Eli sa naging kapabayaan nito.
Kinabukasan, araw ng mga patay, dinalaw sa sementeryo ng buong mag-anak ni Amy ang kaniyang bunsong anak na si Eric, isang sundalong napatay sa engkuwentro sa Mindanao. Minabuti ni Amy na maglibut-libot sa sementeryo upang magpalipas ng galit kay Eli. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, naabutan niya ang isang drayber ng owner na galit na galit na nakikipag-away at naglabas ng baril. Nadaplisan ng bala si Amy sa balikat habang ang binata sa kaniyang likuran ang lubhang napuruhan ng bala sa dibdib.
Nagwakas ang pelikula matapos isugod sa ospital ang lalaki habang tila wala sa ulirat si Amy sa pag-unawa sa nangyari.
****
Tumampok sa pelikula ang iba’t-ibang suliranin sa bansa na kapwa magkakaugnay.
Talamak na ang jueteng sa bansa noon pang panahon ng pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas. Itinuturing na iligal ang larong ito ngunit ang makapangyarihan at maimpluwensiyang pulitiko at alagad ng batas ang mismong nasa likod nito.
Kinakatawan ni Amy ang buhay ng mga mahihirap na Pilipino na napipilitang sumabak sa mga iligal na gawaing mapagkakakitaan gaya ng jueteng dahil sa malaking kakapusan ng trabahong makabubuhay sa ating bansa. Araw-araw siyang nangungubra sa kabila ng ilang panganib na dulot ng kaniyang iligal na gawain.
Pag-asa sa numero
Inilahad sa pelikula ang pagkakaroon ng iba’t-ibang makikitid na paniniwala ng mga Pilipino batay sa kanilang matalas na pandamdam o instinct. Gaya na lamang ni Amy na ginawang batayan ang bawat bagay sa pagpili ng numerong itataya sa jueteng. Halimbawa na lamang ng palaka at duwag na sumisimbolo raw sa numerong “3 at 7,” patay at iyakan na nagrerepresenta sa numerong “13 at 29′ at marami pang iba.
Sa ganitong konteksto, ipinakita ang ideyalismong pananaw ng ilan sa mga Pilipino kung saan mas nagiging mapagpasya ang kanilang kamalayan o pag-iisip kaysa reyalidad. Itinuturing nilang nakatakda na ang ilang bagay kung saan iniaasa na lamang nila sa kapalaran ang daloy ng kanilang buhay.
Mga mukha ng kasawian
Ipinamalas din ang magkakabit na kalagayan na kumakatawan sa buhay ng mga Pilipino partikular na sa mga taong nakakasalamuha ni Amy sa araw-araw niyang pangungubra.
Mapapansin ang paghahangad ng maraming Pilipino na mangibang-bansa kung saan ito ang nakikita nilang susi upang makatakas sa kahirapan. Halimbawa na lamang nang naabutan ni Amy ang kapitbahay nitong si Josie na namamaalam patungong ibang-bansa. Nakapangasawa siya ng isang Amerikano at mas piniling lisanin ang Pilipinas upang manirahan sa ibang bansa. Gayundin, nabanggit sa pelikula na narsing ang karaniwang kursong kinukuha ng maraming kabataan ngayon kung saan mayroon silang pagkakataong makapangibang-bansa. Dagdag pa rito ang anak ni Amy na si Mona na nagtatrabaho bilang isang domestic helper sa ibang bansa.
Kulang ang nakabubuhay na trabaho sa bansa; kung mayroon man, walang sapat na pasahod at benepisyo kung kaya’t napipilitan ang maraming Pilipino na mangibang-bansa na lamang. Sa katunayan, mismong ang gobyerno pa ang nagtutulak sa mga Pilipino para mangibang-bansa upang i-eksport ang kanilang lakas paggawa sapagkat nakasandig ang lugmok na ekonomiya ng Pilipinas sa kitang ipinapadala ng mga Overseas Filipino Workers (OFW).
Sa kabilang dako, nalaman din ni Amy ang nakawan sa isang pampublikong paaralan ng elementarya kung saan mahihirap o walang trabaho ang mga magulang ng mayorya sa mga mag-aaral. Nalaman din niya ang tungkol sa isa nilang kapitbahay na pamilya ng carnapper. Manipestasyon lamang ito ng patuloy na paglaganap sa bansa ng mga Pilipinong napipilitang gumawa ng mga antisosyal na gawain sa dikta ng pangangailangan at bunga ng kawalan ng makabubuhay na trabaho sa bansa.
Mailalahad din sa pelikula na isang dahilan ang kawalan ng trabaho kung bakit patuloy ang paglaki ng populasyon sa bansa, tulad na lamang ni Juvie na madalas magbuntis. Matatandaang paglalako lamang ng diyaryo ang tanging hanapbuhay ng kaniyang asawang si Kulot at walang permanenteng trabaho kung kaya’t kadalasan siyang nakapirmi sa bahay. Sa ganitong kalagayan, hindi maiiwasang humantong ang kanilang bakanteng oras sa palagiang pagtatalik sanhi pa rin ng kawalan ng trabaho.
Gayunpaman, pumapaloob lamang ang lahat ng mga partikular na kalagayang ito sa unibersalidad na suliranin sa trabaho. Matatandaan din ang sinabi ni Amy sa isang parte ng pelikula na ang kawalan ng trabaho ang nagtulak sa kaniya upang pasukin ang iligal na jueteng. Laganap ang kakapusan sa trabaho at wala ring suporta ang gobyerno sa pagbibigay ng sapat na pasahod at benepisyo ng mga manggagawa sa bansa. Ito ang siyang nagtutulak sa mga kapus-palad na Pilipino upang kumapit sa patalim at mangibang-bansa.
Pag-asa sa kawalan
Itinuturing ang mga pulis bilang isa sa mga pag-asang magpapairal ng batas at tagasugpo ng krimen sa bansa. Kasalungat nito, nakikilahok mismo ang mga pulis sa iligal na jueteng kung saan tumaya rin mismo sa sugal ang hepe ng pulisya na magsisilbi sanang isang mabuting halimbawa sa mga pulis na pinamumunuan niya sa presinto.
Inilalahad lamang nito na walang tunay na pangil na umiiral sa batas sapagkat mismong ang mga alagad nito ang lumalahok sa mga iligal na gawain at nagtatakip sa mga pulitikong nasa likod nito kapalit ng kanilang pansariling interes.
Ang pagkakaroon ng maligayang buhay ang nagpasya naman sa kahero ng mga pera sa jueteng upang ganap na magpagamit sa pulitiko. Matatandaan ang sinabi niyang, “iba na ang may pakinabang sa mga buwaya” na kung saan kaliwa’t kanan ang natatanggap niyang suhol mula sa isang kongresman at ilan pang pulitiko na nasa likod ng jueteng.
Ipinakita sa pelikula ang karungisan ng mismong mga pulitiko at lider ng bansa na siya ring nangunguna sa pagpapatakbo ng jueteng. Sila ang higit na nakikinabang sa larong ito sa kabila ng mga panganib na maaaring maidulot nito sa mga kubrador at tagapangasiwa ng jueteng. Sinasamantala nila ang kalagayan sa buhay ng mga mahihirap na walang trabaho upang ganap na palaganapin ang jueteng at makapagkamal ng limpak-limpak na salapi.
Pagsugpo sa kasawian
Umugat ang mga kalagayan at suliranin sa kawalan ng trabaho sa bansa na nagtulak sa maraming Pilipinong kagaya ni Amy upang pasukin ang mundo ng iligal na jueteng–ang pagiging isang kubrador. Ang kawalan din ng trabaho ang nagtutulak sa marami pang Pilipino sa isa pang klase ng pagsusugal–ang pagsusugal ng buhay para makatawid sa kahirapan.
Hindi sa panandaliang solusyon lamang masusugpo ang laganap na krimen at ilang mga iligal na gawain sa bansa gaya ng simpleng pagpapatupad ng mga huwad na batas kundi ang pangmatagalang solusyon tulad ng pagbibigay ng trabahong makabubuhay sa mamamayan. Gayundin, hindi lamang ang trabaho sa serbisyo ang dapat ilaan ng gobyerno sa mamamayan kundi ang paglilikha at pagbibigay ng trabahong makabayan, siyentipiko, at makamasa na pakikinabangan ng mayoryang mga mahihirap.
Isang neorealist style ang pelikulang ito kung saang makatotohanan ang bawat eksena at galaw ng mga aktor at aktres at socially relevant ang istorya. Hindi ito pinaglaanan ng malaking pera kung saan hindi sikat ang karamihang mga gumanap sa pelikula at tipikal na video camera lamang ang ginamit sa pagkuha ng mga eksena.
Gayunpaman, mahusay ang pagkakaprodyus sa pelikula kung saan humakot ito ng maraming parangal sa loob at labas ng bansa gaya ng Lino Brocka Award ng Cinemanila International Film Festival (CIFF); Best Actress (Gina Pareño) at Best Director ng Filipino Academy of Movie, Arts, and Sciences (FAMAS) Award, Best Cinematography, Best Picture, Best Production Design ng Gawad Urian Award; at marami pang iba.
Maituturing na isang tagumpay ang pagkakalikha sa pelikulang Kubrador kung saan minumulat nito ang mga manunuod sa tunay na kalagayan ng Pilipinas na nasasadlak sa kahirapan dulot ng ilang mga naghahari at mapagsamantalang uri sa lipunan.
Sanggunian:
kubrador.mlrfilms.com (for casts and awards)
Published:
June 2008; The Torch issue; Vol. 61 No.1
No comments:
Post a Comment