Monday, May 25, 2009

Muziklaban



Muziklaban

Sa gabi’y sabay-sabay na naghihiyawan ang mga kuliglig
na bumubuo ng mala-bandang saliw ng tugtugin
kasabay ang pag-indayog ng bulto nilang katawan
na naglilikha ng nakamamanghang ilaw sa gabing pinagkaitan ng liwanag.

Nakikipagpaligsahan naman sa pagbirit ng nota ang iba’t-ibang uri ng ibon.
Nariyan rin ang pigil na alingawngaw ng matsing,
at pagaspas ng mga dahon at talahib na nagsisilbing arkansas.
Sa dako pa roo’y maririnig ang madaloy ngunit palaban na agos ng sapa mula sa sibol.


Sa di kalayuan, nakikisabay sa saliw ang mga buhong mariing nag-uumpugan
na nakapagdudulot ng mula payak hanggang papalakas na pagkabog ng dibdib,
mga buhong lumilikha ng mala-tambol na tunog sa bawat sandali
ngunit higit na malakas bahagyang tulad ng pilantik ng M-16.

Dalawang oras bago ang pagsikat ng araw pinapawi ng nakakapasong kapeng-barako
ang hang-over sa musika at naipong hamog sa loob ng katawan.
Mainam na pampagising sa natutulog na ulirat para sa mas di inaasahang tunog
na posibleng humantong sa mas madibdibang labanan.

1 comment: