Tuesday, August 11, 2009

Buhay ko? Buhay pa ba ko?


Buhay ko? Buhay pa ba ko?

Kapag mayroong mga taong nagtatanong sa akin kung kamusta ang buhay ko, bukod sa generic na sagot na “ok lang,” naibubulalas ko saking sarili na maihahalintulad ko ang aking buhay sa isang mahaba-habang Basic Masses Integration (BMI) na relatibong hindi ganap na konsolidado.

Oo, isang BMI bagamat medyo wirdong isipin na ganun ang paghahalintulad ko. Ang pinagkaibahan nga lang, nakikisalamuha ako sa mga tao saking paligid na kapareho ko ng uri—ang uring peti- burgesya (peti-b) na kapwa rin estudyante kagaya ko. Maihahalintulad ko ito hindi lang sa isang simpleng exposure kundi sa mahaba-habang integrasyon. Sa araw-araw kong pakikisalamuha sa kanila, masasabi kong hindi lamang ito simpleng usapin ng pagiging kasapi ko sa loob ng isang institusyon. Gayunpaman, sa araw-araw kong pakikisalamuha sa kapwa ko peti-b sa loob, bilang namumuno dito sa hindi pyudal na sistema ay kailangan ko pa ring lubugin at isa-isahing alamin ang uring pinagmulan nila upang ganap kong maunawaan ang diverse nilang aktitud o paguugali at ma-organisa sila sa wastong paraan. Para sa isang tao na may naabot na ring antas ng pagkamulat, ang esensya ng BMI ay hindi lang naman magsisilbi para sa ganap na pagkamulat ng sarili mula sa partikular na uring nilubugan niya kundi nararapat ring magsilbi upang imulat ang uring ito sa iba pang mga uri sa lipunan—ang mga uring nagtutunggalian sa pagitan ng uring pinagsasamantalahan at uring nagsasamantala. Hindi lang din ito sa simpleng pagsi- SICA o pagsasarbey sa isang partikular na lugar upang makakalap ng datos kundi magamit ang datos na nakalap upang konkretong masuri at maiambag ito sa esensyal na pag-aaral ng kalagayan ng lipunan sa kabuuan. Balik sa usapin ng paghahalintulad ng aking buhay sa BMI, mula sa mga nabanggit kong pangungusap ay masasabi kong ang misyon ko ay hindi lamang sa simpleng paraan ng pagpaparami ng miyembro sa loob, pagsusulat bilang pangunahing gawain sa loob, at pakikisalamuha sa tipikal na nais gawin ng aking mga ka-miyembro sa loob kundi patuloy rin na pagmumulat sa kanila sa reyalidad malayo sa ideyalistang pananaw, bahid ng burgis na pinagmulan ng iba sa kanila, at pyudal na sistemang umiiral sa lipunan. Gayundin, kaakibat pa rin ang isang mahalagang misyon na maglipol ng mga datos, magsulat, at magmulat at iambag ito bilang propaganda sa pagsusulong ng rebong pakikibaka.

Sa ganang akin, alam kong nasa proseso pa rin ang pagoorganisa sa aking mga kasapian lalo pa’t diverse ang kanilang pag-uugali kung kaya’t kailangan ng kaunting paga-adjust para sa kanila. Mayroong atrasado, panggitna, at nahuhuli. Mayroon din namang matagal-tagal na ring naorganisa at malayu-layo na rin ang naabot na kamulatan ngunit nananatiling atrasado o panggitna pagdating sa pagkilos. Mayroong ding nababahiran ng ugaling dekadente, konserbatibo, at burgis-liberal dahil na rin sa impluwensiya sa paligid na higit na talamak sa lungsod na magmumula pa rin sa malaking impluwensiya ng imperyalista. Bagama’t masasabi kong hindi ganun kadali ang mag-adjust sa iba’t-ibang pag-uugali, isang malakng hamon iyon para sa akin. Alam kong minsan sa ilang mga pagkakataong darating na di maiiwasan na mabubuwisit ako sa mga ilang pasaway na miyembro at tila nais ko nang manigaw o sumuko (sapagkat alam kong tao rin naman akong nai-stress, nahihirapan, at nagsasawa), higit pa ring kinakailangan ang mahabang pasensiya at pagkontrol sa sarili. Syempre, ipaalam pa rin sa partikular na taong iyon ang kaniyang kamalian sa tamang lugar at tulungan siyang magwasto sa kamalian. Gayunpaman, gaya ng isang BMI, dito lumalabas ang tunay na pag-uugali mula sa paligid kung papaano maga-adjust at magwawasto ang isang tao na magdedepende pa rin sa antas ng kamulatang naabot niya.

Mahirap kung iisipin ang makilubog mismo sa ka-uring peti-b na maraming pagkakapareho sa kapaligirang ginagalawan ngunit may ilang pagkakaiba sa uri ng pamilya o pamumuhay na kinagisnan. Lalo na kapag maraming pasaway na miyembro, parang nais ko na lamang sumuko. Nakakairita, nakakainip, parang gusto ko na lamang mabilis na tumakbo ang oras para matapos na ang aking termino sa responsibilidad sa loob. Ngunit konkretong kalagayan sa konkretong pagsusuri pa rin ang aking isinasaalang-alang na hindi maaaring basta na lamang sumuko sapagkat mayroong pangangailangan. Gayunpaman, kung papaano sila pakikisalamuhaan at tuluyang imulat o organisahin ay magiging usapin ng tamang pagsasapraktika ng lahat ng araling pang-ideolohiyang napag-aralan at mismung moral na pagpapaunlad sa sarili—kung bakit at para kanino ito ginagawa.

No comments:

Post a Comment