Wednesday, October 13, 2010
Ang pakikipagsapalaran ni Titser Ayan
Alas dos na ng umaga sa orasan ni Ayan. Kapiling ang bolpen at kuwaderno, nananatili pa ring mulat ang kanyang mga mata habang mag-isang nakaupo sa silyang kahoy ng bilugang lamesa sa kusina. Tila nalang laging may hiwagang taglay na nakapaloob sa kanyang kaluluwa dahilan kung bakit hindi agad sinasaniban ng antok sa hating gabi ang kanyang katawang lupa. Mas nakakapagsulat kasi siya ng mga tula at kung anu-ano pa sa tuwing siya ay mag-isa. Ninanamnam niya ang paligid ng nakaraan, kasalukuyan at hinaharap. Sinasalat, inaamoy, tinitikman, pinakikinggan. Kung walang maisulat, siya’y mag-isang nagmumuni-muni kung saan walang sagabal at walang nakabibinging pagputak na nagmumula sa bibig ng kanyang ina. Ito ang kanyang ritwal, sa paraang ito niya natatagpuan ang kapayapaan ng kanyang damdami’t pag-iisip.
Dalawang oras na lamang makalipas sa orasan niAyan ay kailangan na niyang gumising. Sa madaling salita, dalawang oras na lamang ang kanyang itutulog. Alas sais y medya kasi ng umaga dapat ay nasa paaralan na siya. Bawal ma-late dahil ang araw pa naman na ito ang unang araw ng mga bata sa klase at ang kanya ring unang araw sa pagtuturo. Bawal makupad, bawal matrapik at lalong-lalo nang bawal ma-bad shot sa principal at mga bata. Matapos ang kanyang ritwal, kinuha niya ang kanyang cellphone at isinet ang alarm nito sa alas-kuwatro. Sinugod niya ang kamang parang sasabak sa giyera. Kinuha ang malaking unang parang kanyang sandata. Humiga siya at iniunat ang kanyang dalawang paa sabay ibinalot ang sarili sa kumot na parang kanyang pananggalang.
“Sumapi ka na sa’kin ngayon, antok, at lumayas sa katawan ko pagkatapos ng dalawang oras! Kundi… ha!,” maangas na sambit niya sa antok na tila naghahamon ng suntok.
Dalawang oras ang nakalipas, nagising si Ayan sa kanta ni Lady Gaga na Poker face. Kinuha niya ang cellphone at saka pinatahimik. Gusto na ng kanyang ulirat na bumangon ngunit ayaw pa ng kanyang katawang nasasarapan pa sa piling ng malambot na kutson. Maya-maya pa’y bumirit na namang muli si Lady Gaga—“can’t read my, can’t read my… oh you can’t read my poker face…”
Muli niyang pinatahimik ang cellphone. Ipipikit na sana niyang muli ang kanyang mga mata ngunit naramdaman niya ang masakit na pagkurot sa kanyang pwet.
“Arayyy naman!”
“Akala ko ba maaga ka!? Gising na!... blah blah blah,” ang muling pagputak ng kanyang ina.
“Ona! Ano pa nga ba… eto na nga, babangon na oh…”
Nagmadali siya sa pag-aayos ng sarili at isinuot ang isang disenteng itim na slacks at puting polo dahil wala pa siyang uniporme. Bahagyang natagalan siya sa pagpapalamuti sa mukha. Bagong bili ang kanyang mga make-up. Pero simple lang dapat ang paglalagay. Dapat disente ang itsura ‘pag harap sa mga katrabaho’t mga bata. Ipinahid niya ang concealer sa paligid ng kanyang mga mata at saka ikinalat ito gamit ang daliri. Isinunod ang liquid blush on at bahagyang ipinahid pabilog sa cheek bone habang nakangisi sa harap ng salamin. Matapos nito ay ang paglalagay ng face powder sa mukha, mascara sa talukap ng mga mata, eyebrow sa kilay at eye shadow. Last retouch, ang lipistik na kulay mapusyaw na rosas at isang pagpitik ng curlash sa talukap ng mga mata. Click! A total make-over.
Alas singko y medya na nang siya’y makaalis ng bahay. Hindi siya nangangamba sa oras dahil umaga naman, kampante siyang maluwag ang daloy ng trapiko at saktong sakto lamang ang isang oras na biyahe. Sa loob ng jip ay di niya naiwasang maalala ang mapaniil niyang nakalipas habang siya’y nakadungaw sa bintana at inaalala ang mga ito. Nagparamdam sa kanyang isipan ang mga ala-alang iyon. Hindi ito ang una niyang trabaho bilang guro.
Nang makatapos siya sa kolehiyo, una siyang natanggap bilang guro sa isang ekslusibong paaralan. Sa P100k-P200k na tuition ng mga bata roon ay tila ginto ang presyo ng bawat butil ng kaalaman. Nang minsan siyang magkaroon ng bakanteng oras, nilibot niya ang paaralan. Maliban sa swimming pool, mga updated na libro sa library, mga makabagong kagamitan at malinis na kapaligiran, wala naman siyang nakitang ginto.
Bago magpasukan ang mga bata, nakalaan ang isang buwan sa mga guro roon para sa samu’t saring maghapunang training at seminar. Minsan masaya pero kadalasan nakakaantok. Magdamag ba namang nakaupo ang pwet niya sa silya na parang inahing manok lang na naglilimlim ng itlog sa maghapon. Sa kabilang banda, hinding hindi naman niya makakalimutan ang matandang principal doon na nasa edad sitenta pataas at parang laging nagmemenopause. Paano ba naman, sukat ba namang pansinin lahat ng kilos ng mga guro roon. Isang pagkakamali lang, lagot na. Walang pasubali siyang maninita at mamamahiya sa harap ng kapwa guro na para bang natural na lang sa kanya. Wala siyang pagkakaiba sa isang mabangis na lobo.
Matapos ang ilang lingo ring seminar, nasasabik na si Ayan na makapagturo sa mga magiging estudyante niya at makipagsabayan ng Ingles sa kanila hanggang sa dumugo ang kanyang ilong. Ilang araw na rin kasi ay pasukan na at binigyan na rin siya ng mga pangkat na kanyang tuturuan. Doon siya sa hayskul inilagay. Sa mga oras na iyon, mas naririnig ng kanyang tainga ang mga boses ng kanyang magiging estudyante na masiglang nagrerecite sa kanyang klase kaysa ang boses ng ispiker sa harapan na nagpapaliwanag tungkol sa Understanding by Design (UBD), ang makabagong approach ng pagtuturo. Mas nakikita niya ang bawat mukha ng mga batang may iba’t ibang ekspresyon habang nakikinig sa araling kanyang itinuturo kaysa ang mukha ng ispiker na nagpapaliwanag ng UBD. At mas nadarama niya ang atmospera ng silid-aralan kapiling ng mga batang uhaw sa impormasyon kaysa sa ispiker na nagpapaliwanag ng UBD. Sa kalagitnaan ng lahat ay biglang binuksan ni Miss Nenita ang pinto, siya ang assistant principal ng paaralan.
“May I excuse for Miss Ayan?,” magalang na pakiusap ni Miss Nenita sa ispiker.
Tumango lamang ang ispiker at ngumiti kay Miss Nenita na nagpapahiwatig ng kanyang pahintulot. Nablangko ang ulirat ni Ayan nang marinig niya ang kanyang apelyido. Marahan siyang lumabas ng pinto at lumapit kay Miss Nenita.
“Yes Miss?”
“Miss Ayan, you follow me to the Principal’s office. Miss Zorayda wants to talk with you.”
Nagtaka siya, gusto daw siyang kausapin ni Miss Zorayda, ang nagmemenopauce na principal. Biglang lumukso ang kanyang dibdid, mabilis na mabilis. Ikinubli ng kanyang rosas na lipistk ang namumutla niyang mga labi habang tila nabalutan naman ng yelo ang kanyang mga palad at talampakan. Pero sinubukan niyang pakalmahin ang sarili. Wala siyang ginagawang masama at alam niyang wala siyang ginawang masama—period. Taas noo siyang lumakad at nagtungo sa kuwarto ng mabangis na lobo.
“Sit down,” ang utos ni Miss Zorayda na nakaupo sa silya ng kanyang mesa habang nakaupo naman si Miss Nenita sa silya na nasa kanang harapan ng lamesa ni Miss Zorayda.
Hindi nangiming naupo si Ayan sa kaliwang upuan katapat ni Miss Nenita habang naghihintay sa mga salitang bibitiwan ni Miss Zorayda na para bang siya ay lilitisin. Seryoso ang kanilang mga mukha. Hawak ni Miss Zorayda ang isang papel na kanyang binabasa habang nakakunot-noo at suot ang salaming halatang may makapal na grado. Mukhang mahaba ang kanyang binabasa. Ilang sandal pa’y narinig na niya ang mabagal at garalgal na boses ng principal na para bang hinuhugot mula sa ilalim ng lupa.
“I have known that you facilitated a protest inside your school during a formal event. As a teacher, I don’t think that’s ethical.”
Pinigilan ni Ayan ang pagtaas ng kanyang kanang kilay. Hindi inaasahan ni Ayan ang sasabihin niya. Nawala ang kanyang kaba ngunit mas nanaig ang kanyang pagtataka kung papaano niya iyon nalaman.
“Where did that come from, Miss?”
“I can’t tell the name of the person here in the school who has informed me. We asked about it to your OSA Dean and he confirmed it. So what was there in your banner?”
“Stop Campus Repression.”
“But you’re a teacher and you’re supposed to act as a model to your students, isn’t it? What urged you to do that ‘unethical’ act?”
“With due respect Miss , are you telling me to just be passive? They have repressed our student leaders in their right to lead in the Student Council by imposing some tedious rules that almost control them. They keep on silencing the student publication by having revenge to its members and not releasing the fund. And the worst thing is that they have totally implemented commercialization inside the university and didn’t do anything to stop the nearly implementation of the tuition and other fees increase that will affect the students who are supposed to be Iskolar ng Bayan.”
“So much for your agitation, Miss Ayan. You can’t bring it here, do you understand? Your Dean even said that you are a member of… Akbayan?”
Halos manlaki ang butas ng ilong ni Ayan. Sa isip-isip niya, may pagkabarbero rin pala ang kanilang Dean. Maninira na nga lang ay mali-mali pa ang mga impormasyong ibinibigay.
“I’m sorry Miss but NEVER would I join in Akbayan. That is absolutely NOT TRUE. (eeeww!)”
“I’m still not convinced with your explanations… I don’t think I can accept you here… (blah blah blah)”
Nanlabo na ang paningin ni Ayan. Ang nakikita na lamang niya ay ang slow motion na pagsasalita ni Miss Zorayda, may pangil at nanlilisig ang mga mata. Matapos ang senaryo ay pinatayo na si Ayan mula sa kanyang kinauupuan. Lumakad siya papalayo, malayong malayo hanggang sa hindi na niya maaninag ang paaralan kung saan naganap ang paglilitis sa kanya. Basta sa sarili niya, alam niyang wala siyang ginawang masama.
“Prrrrrrrrrrtttt! Beeeep!,” ang sabay-sabay na pagbusina ng mga sasakyan na gumambala sa kanyang ulirat habang inaalala ang mabangis niyang nakaraan sa dating paaralang inalisan.
“Naknang tinapa! Trapik?!!! Tsk! Agang-aga ah?!”
Hindi niya inasahan ang trapiko. Alam niya kasing umaga kaya maluwag ang daloy ng trapiko. Sa di kalayuan ng jip na kanyang sinasakyan, may nasagasaan. Ang isang magarang sasakyan daw ng lasing na binatang koreano ang nakasagasa sa isang estudyanteng tumatawid sa kabilang daan. Ito ang narinig niya mula sa pag-uusap ng mga usiserang tindera ng tinapa na napadaan sa gilid ng bintana ng jip kung saan siya di mapakaling padungaw-dungaw sa naganap na sakuna. Tumingin siya sa kanyang orasan. Matapos ang tatlumpung minuto, dapat nasa paaralan na siya. Pero mukhang malabo. Nasa tapat pa lang ng Mini Stop ang jip. May ilang kilomtero pa bago makarating sa paaralan, wala pa sa kalahati kung nasaan siya ngayon. Naalala niya ang paalala sa sarili kaninang hating gabi—bawal makupad, bawal matrapik at lalong-lalo nang bawal ma-bad shot sa principal at mga bata. Sa isip isip niya, “Badtrip na koreano, maglalasing na nga lang mandadamay pa ng iba. Walang disiplina sa sarili. Haist…” Dahil dito, naalala niya ang kanyang mga estudyante noon sa isang International School. Koreano ang may ari ng paaralan ngunit halo-halo ang lahi ng mga estudyante roon, may Pilipino, Kano, Intsik, pero mas lamang ang mga Koreano. Naka apat na buwan din siyang nakapagturo roon. Gaya ng naunang paaralang pinasukan, masalimuot din ang kanyang naging karanasan sa paaralang iyon.
Kilalang masipag at mahusay magturo si Ayan ngunit sa tuwing magkakaroon ng pagkakataon, naglalaan rin siya ng ilang minuto sa pagtatalakay ng mga isyung nagaganap sa loob at labas ng bansa. Literatura ang kanyang itinuturo. Matapos ang klase ay may tutor naman si Ayan sa isang estudyante bilang isa pa niyang sideline. Isang beses, tinanong siya ng kanyang koreanong estudyante kung bakit marami siyang nakikitang sasakyan na may nakadikit na dilaw na lasong istiker sa likod ng mga ito.
“That is the trademark of former Philippine President Cory Aquino which was also adopted by her son, Noynoy, when he ran for presidency last election and won. But you know what, there’s a blood in that yellow ribbon…,” at nagpatuloy pa siya sa pagpapaliwanag tungkol dito.
Isang araw, kinausap siya ng kanilang head sa lingwistika. Sinabi nito sa kanya ang ukol sa planong pagbuo ng publikasyon ng paaralan at siya ang itinalaga nitong tagapayo. Tinanggap ni Ayan ang alok ng head. Nagtalaga naman siya ng mga estudyanteng magiging miyembro ng publikasyon. Pagkatapos ng kanyang tutor, pinulong niya ang mga ito at nagkasundo sa iskedyul kung kailan magkakaroon siya ng ilang mga pagtuturo sa pagsulat. Una niyang itinuro ang istraktura ng pagsulat ng balita.
“…the parts of the news story are the lead, the body, and the ending. So who can draw its structure on the board? Let me check if you’re familiar with the structure…”
Iginuhit ng estudyanteng babaeng Kano sa pisara ang isang malaking triyanggulo at hinati sa tatlo. Sa tuktok at matulis na bahagi nito, isinulat niya ang “lead,” sa gitna ang “body” at sa ilalim na mas malaking parte naman ang “ending.” Nagtawanan ang ilang mga bata. Mali daw ang istrakturang iginuhit.
“You invert the triangle,” ang nagmamarunong na utos ng isang estudyanteng lalaking Pinoy.
Tinawag ni Ayan ang Pinoy na estudyante upang siya ang gumuhit sa pisara ng tinutukoy. Tama naman.
“That’s right Erick, good. So this is the well-known structure in writing a news story,” ang pagsang-ayon ni Ayan sa bata. Sa ilang sandali, may naalala siya sa tatsulok. Iba kasi ang kanyang naiisip sa tuwing makakakita ng hugis na iyon, iba ang kanyang nararamdaman. Nawala na naman siya sa ulirat at tila ba may kakaibang sumapi sa kanya habang natagpuan na lamang ang sarili na iginuguhit sa kabilang pisara ang isa pang malaking tatsulok at hinati ito sa lima. Nagtaka ang mga bata. Iba-iba ang naging paggalaw ng kanilang ulo--may pasulong, may pakanan, at may pakaliwa. Halos karamihan ay nakakunot-noo.
“…this is a triangle which should be inverted…”
Sa puntong iyon, ang istraktura ng lipunan ang kanyang iginuhit. Ipinakita’t ipinaliwanag niya ang napakaliit ngunit makapangyarihang porsyento ng mga nagsasamantalang uri sa lipunan at ang napakalaking porsyento ngunit mahirap na kalagayan ng mga pinagsasamantalahan. Bakas na bakas sa mukha ng mga estudyante ang pagtango ng kanilang ulo sa bawat impormasyong kanyang sinasabi na hindi matatagpuan sa kahit saang pahina ng kanilang libro sa paaralan. Bago matapos ang kanyang pagpapaliwanag sa tatsulok ay napansin niya ang kanina pang pabalik-balik na assistant head sa kanyang departamento, si Mr. Darwin. May edad na rin siya, mga nasa trenta pataas. Nung una pa lang niyang kita sa gurong iyon, kakaiba na para sa kanya. Dahil ba parang nakita na niya iyon noon?—kamukha ng isang tindero ng mais tuwing may mobilisasyon? May-ari ng isang internet shop? Nagxexerox na mama sa may Sta.Mesa? Oh baka napaparanoia lang siya? Ah eh, ewan niya. Basta may iba. O baka dahil sa ganun lang ang gawain ng gurong iyon, ang maki-isyuso sa kanyang mga itinuturo dahil sa siya’y isang baguhan. Naisip niya tuloy kung ganun din ang gawain niya sa iba pang mga guro. Malalaman niya…
Agad niyang binura ang mga nakasulat sa pisara at iniliban na ang aralin sa pagsulat ng balita. Pagkatapos nito, kasabay niya sa pag-uwi ang isa pang baguhang gurong katulad niya na kanya ring kadepartamento, si Miriam. Sa paaralang iyon, siya na ang kanyang naging kaututang dila dahil na rin sa parehas silang baguhan.
“Ui Ayan, bigyan mo naman ako ng textmate!”
“Huh?... eh, ano bang tipo mo? Lalake, babae, baklush, o bomboy? Haha!,” pabirong banat niya.
“Ano ka ba! Straight ako! Hahahaha! Yung gwapong… babae! Ching!”
“Toinks! ‘to pala ‘to eh!”
“Hindi, ui, seryoso na… yung gwapo, mayaman, matalino, malibog…”
“Sira! Taas ng standard mo ah! Chaka! At bakit may “malibog” na kasama?”
“hihihi… secret… basta, ah?!”
“Naku, di ko maipapangako ah… Nga pala, si Mr. Darwin… may napapansin ka din bang kakaiba sa kanya?...”
“Huh? Di ko siya type. Gurang na siya, duh!!!”
“Sira, di iyon. Ang ibig kong sabihin, sa tuwing nagtuturo. Kasi ako, malimit ko siyang mahuling nakiki-isyuso sa itinituro ko. Ganun din ba siya sayo?”
“Hindi naman. Bibihira ko nga siya makita eh.”
“Oh Lauan, oh!,” sigaw ng drayber ng jip.
“Ui Ayan! Tulala ka na naman! Dito ka na, bumaba ka na!”
“Ay oo, sige… kitakits bukas!”
Isang linggo ang nakalipas, bigla siyang ipinatawag sa tanggapan ng principal sa hindi na naman inaasahang dahilan. Sa puntong iyon, wala na siyang kahit ano pa mang nerbyos na nadarama dahil alam niya sa kanyang sarili na wala siyang ginagawang masama, period. Pero sa di inaasahan ay muling naganap ang paglilitis sa kanya. Ang paglilitis na nagbalik gunita sa unang paaralang kanyang pinasukan. At sa isang iglap ay doon na nagwakas ang lahat.
“Miss, hanggang dito nalang ho tayo! San ka ba?,” ang sigaw sa kanya ng mamang drayber ng jip.
“Sa Bayan ho.”
“Naku lumagpas ka! Mukhang kanina pa kasi lumilipad ang isip mo sa kawalan. Tapos na ang sakuna ineng!”
“Ay lintek! Kamalas-malasan nga naman oh! Lumagpas pa ko! Whew! Dapat kanina pa ko pumara eh! Wala, bad shot na ko…”
Pero hindi pa rin sumuko si Ayan. Sumakay siya ng jip na dumaraan pabalik ng Bayan. Humahangos siyang binagtas ang daan patungo sa pampublikong hayskul na kanya na ngayong pagtuturuan. Hindi niya alintana ang pagkahapong nadarama ng kanyang hininga mula sa pagtakbo. Maya-maya pa’y pumalakda siya sa mabatong daan dahil sa isang malaking batong nakaharang sa kanyang daanan. Napasigaw siya nang malakas sa sakit. Naisanggalang niya ang kanyang siko pagbagsak niya sa batuhan kung kaya’t ito ang nagdugo. Kinuha niya ang panyo sa bulsa at itinali paikot sa nagdurugong siko. Halos mapudpod naman ang takong ng kanyang high heels gawa ng mababatong daan. Pero nagpatuloy pa rin siya sa pagmamadali patungo sa paaralan. Nilusaw na ng kanyang pawis ang kanyang palamuti sa mukha. Sa kabila ng lahat ay bigla niyang naisip ang mga magiging estudyante niya. Kunsabagay ito naman talaga ang pangarap niya, ang makapagturo sa mga batang nagmula sa pamilya ng malawak na hanay ng masa. Sila ang mga batang lubos na nangangailangan ng kanyang serbisyo. Sa wakas, natupad na rin niya ang inaasam. At sa wakas, natunton na rin niya ang paaralan. Huminga siya nang malalim habang hawak hawak niya ang kanyang sikong may nakabendang panyo. Nakita niya ang nakasulat sa malaking poster na nakapaskil sa harap ng gate ng paaralan: “Classes resume on June 13. Happy Independence Day!” May mga nakakabit pang maliliit na bandila ng Pilipinas sa itaas ng gate.
Napakamot na lamang siya sa ulo. Kinuha niya sa loob ng bag ang ibinaong tubig sa botelya at sabay nilagok ito upang mahimasmasan.“Ampph!Independence Day nga pala ngayon!Tsk tsk…”
“Anong ‘Happy Independence Day’ ka diyan! Sira! Hindi pa tayo tunay na malaya!,” bulalas niya.
Hinubad niya ang sapatos na high heels at saka ipinalit ang baong tsinelas mula sa loob ng kanyang bag. Naglakad siya patungong terminal ng jip palabas ng Bayan. Bukas bawal makupad, bawal matrapik at lalong-lalo nang bawal ma-bad shot sa principal at mga bata.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment