Friday, April 29, 2011
Nagtataeng Panulat
NAGTATAENG PANULAT
Noon pa man, hilig ko na ang magsulat. Palaging parang may kung anong espiritu ng kakatihan ang sumasapi sa aking kanang kamay na nag-uudyok sa aking humawak ng panulat at magsulat. Hindi mawawala sakin ang panulat na tila palaging nais magtae ng tinta na bumubuo sa bawat salitang naghahatid sa akin sa kaibuturan hanggang sa ako ay mahimasmasan.
Libangan ko ang vandalism noong bata pa ako. Maituturing na ebidensya ang ilang parte ng dingding, aparador o pinto ng aming bahay kung saan naroon pa rin ang isinulat kong pangalan ko, mathematical computation na una kong natutunan noong prep, o maging ang pangalan ng aking first crush. Maging ang puting balahibo ng aming alagang aso noon ay sinulatan ko ng aking pangalan gamit ang isang itim na pentel pen. Naalala ko rin nang sulatan ko ng aking pangalan gamit ang bolpen ang pang-akademikong aklat ni kuya kung saan naroon ang kanyang sagot sa kanyang takdang aralin kaya inaway niya ako. Mga pitong taong gulang ako nang magsimula naman akong magsulat sa isang diary. Sa ganung paraan, malaya kong naipapahayag ang aking isip at damdamin nang hindi napupurwisyo ang ilang mga bagay sa paligid ng aming bahay dahil sa paborito kong libangan. Naging inspirado rin ako sa pagsusulat sa diary dahil sa nagmarkang impluwesiya sa’king ala-ala ng teleseryeng Mara Clara noong ako ay musmos pa. Ang diary na ito ng tito ni Mara ang naging isang mahalagang kasangkapan upang matuklasang isa palang anak ng mag-asawang Amante at Alvira Del Valle si Mara. Sa aking diary, hindi ko na alintana ang mala-kinalahig ng manok na itsura ng aking sulat o kung ang letrang “b” ko man ay maging letrang “d” o vise versa. Basta ang alam ko, masaya ako sa ginagawa ko.
Isang kayamanan kung ituring ko ang aking diary sapagkat naniniwala akong iyon ang nagsisilbing bangko kung saan ko iniipon ang ala-ala at pantasya ng aking buhay pagkabata. Nakatala roon ang tungkol sa naganap sa aking kaarawan, pagkurot sa akin ni Mama kapag hindi ko mabigkas nang tama ang mga salita sa isang istoryang kanyang pinapabasa sa akin, ang patago kong paglalagay ng make-up ni Mama sa aking mukha, ang mga laruang aking iniyakan sapagkat hindi ako ibinili ni Papa, ang pambubully sa akin ng aking dalawang malditang kamag-aral, ang hinagpis ko sa alaga at mahal na mahal na aso kong si Panda na kinatay dahil tadtad ng galis at garapata at marami pang iba. Noong nasa grade five ako, halos laman naman ng aking diary ang aking crush at kung paanong ang bawat tingin niya sakin ay binibigyan ko ng malisyosong kahulugan. Isang araw ay naiwan ko ang aking diary sa lamesa habang ako ay nagmamadaling pumasok sa eskwela. Binasa ito ng aking Kuya na sumunod sa akin. Pagdating ko sa bahay galing eskwela ay tinukso niya ako. Kamag-aral niya kasi ang aking crush kung kaya’t naroon ang takot kong baka isumbong niya ako sa kanya. Tumakbo ako patungo kay Mama at nagsumbong sabay hagulgol ng iyak dahil pakiramdam ko ay para akong ninakawan. Matapos niyon, tila nawalan na ako ng ganang magsulat sa diary. Isinilid ko sa isang supot ang lahat ng aking mga diary simula ng ako ay pitong taong gulang at isinama sa siga ng aking lolo. Mula noon, ilang taon din nang matigil ako sa pagsusulat sa diary. Dahil dito, naisip ko na lamang ang magsulat ng mga kanta at tula sa isang kuwaderno kahit pa tila walang patutunguhan ang bawat berso nito. Iyon bang sagana lamang sa mga salita ngunit tigang sa diwa. Noong maghaysul naman ako, pinauso ko ang pagpapalitan ng mga liham sa mga kamag-aral naming nais naming sulatan kung kaya’t mayroon akong isang kahong naipong mga sulat na natanggap mula sa aking mga kamag-aral.
Bago pa lamang ako magkolehiyo, plano ko na talagang sumapi sa opisyal na publikasyon ng aking magiging eskwelahan sa kolehiyo. At hindi nga ako nabigo sa aking plano. Ginamit ko ang kakatihan ng aking kamay sa pagsusulat sa alam kong mas may maidudulot na kabuluhan. Nang magsimula ang pasukan sa unang taon ko sa kolehiyo, agad akong nag-apply upang maging miyembro ng publikasyon. Nagsimula akong maging isang correspondent sa publikasyong iyon hanggang sa maging patnugot sa balita kinalaunan. Hindi rin naging madali sa akin ang pagiging kasapi ko ng publikasyon lalo na nang magkaroon na ako ng posisyon. Kumakain ito ng napakalaking oras na igugugol ko na lang sana sa aking pag-aaral. Hindi rin ganung karami ang naging kaibigan ko sa klase sapagkat matapos ang klase, diretso na agad ako sa opisina ng publikasyon upang gumampan ng mga gawain kung kaya’t limitado lamang ang oras ng pakikisalamuha ko sa kanila. “Time si gold” ang motto ko palagi dahil bawat oras ay mahalaga para sa akin. Ayokong may nasasayang akong oras kaya imbes tumambay sa grassland o mamasyal sa mall tuwing breaktime ay inilalaan ko na lang ang aking oras sa mas produktibong gawain. Hindi ko alam kung masyado lang ba akong seryoso sa buhay at mga ginagawa ko pero ang alam ko, praktikal lang akong tao. Kapag may bakanteng oras naman ako at talagang wala nang kailangang gawin, nagliliwaliw din naman ako kasama ang ilang mga kaibigan. Sa publikasyon, nariyan din ang pagsabak sa mga overnight pressworks. May deadline kasi upang matapos ang isang artikulo at kung hindi ito masusunod, mapapanis lang ang mga balita na lalamanin ng diyaryo na sapat na upang ipambalot ng tinapa o di kaya’y lukutin at ipakain sa nakangangang bunganga ng basurahan. Ang resulta sa’kin ng mga pressworks, hindi maiwasang eye bags at medyo bangag pa pagpasok sa klase.
Aminado ako noong una na mayroon akong pansariling interes na nais mapunan kung kaya’t pinasok ko ang pagsusulat sa publikasyon. Bukod kasi sa pagkakataong mailalathala ang aking mga ideya at opinyon sa dyaryo, maisusulat pa ang aking pangalan sa pamamagitan ng byline na tila ba nagmamalaking, “Akin ang artikulong ito. Ako lamang ang may gawa nito, ako lamang. Oh diba bongga!”
Taliwas dito, napagtanto kong kakaibang mundo ng pagsusulat na ang pinasok ko. Hindi lamang ito behikulo ng pagpapatweetums upang ipahayag ang bawat tagumpay o kabiguan sa pag-ibig o kung ano pa man. Kinalaunan, mas natutunan ko pa ang mga kaparaanan sa pagsusulat dahil na rin sa samu’t saring training seminar sa pagsulat na sinalihan ko. Higit pa rito, natutunan rin ng aking bokabularyo ang mga salitang “para sa kanila” at iwinaksi ang dating nakasanayang mga salitang “para sa akin lamang.” Sa wakas, iyon ang mga panahong nasagot ko ang katanungang “para kanino ako nagsusulat?” At ito ay walang iba kundi para sa mga taong kailangan ng isang manunulat na may kakayahang makapagmulat tungkol sa tunay na buhay, paaralan, at maging lipunan na kanilang kinabibilangan. Nang mga panahong iyon, saka ko pa lamang nasambit sa sarili kong isa akong “manunulat.”
*****
Bilang isang manunulat sa publikasyon, pinakapaborito kong gawain ang pagkakaroon ng integrasyon sa hanay ng ilang mga marhinalisadong sektor ng tao sa lipunan. Naging epektibong paraan ito upang mas maunawaan ko pa ang tunay na kalagayan ng buhay ng ilang mga taong isinasama ko sa aking mga isinusulat. Makapangyarihan ang bawat karanasan at pandama. Tama ngang hindi basta masasabing mahirap ang paggapas ng palay kung hindi ito masusubukan. Gaya rin ng hindi malalaman ang panlasa ng isang pagkain kung hindi ito matitikman, ang amoy ng paligid o isang bagay kung hindi ito malalanghap, at ang tunog ng bawat kaluskos at kalansing kung hindi ito mapakikinggan.
Unang sabak ko sa integrasyon ang pakikihalubilo ko sa sektor ng mga magsasaka sa Laguna ng ilang araw matapos ang unang semestre ng aking ikalawang taon sa kolehiyo. Ang integrasyon ding iyon ay ang pinaka hindi ko malilimutang integrasyon dahil doon ko unang nalaman kung papaano mamuhay ang mga magsasaka na noon ay nasisilayan ko lamang mula sa bintana ng sasakyan sa tuwing ako ay magbibiyahe papuntang probinsya. O kaya naman, ang mga magsasaka sa bukiring noon ay nakikita ko lamang sa mga larawan o napapanood sa telebisyon.
Una akong napatira sa isang pamilyang pagsasaka lamang ang tanging hanap-buhay. Yari sa sementong bitak bitak at walang pintura ang kanilang bahay at parang isang kahon sa sikip habang tagpi tagpi-tagping yero lamang ang nagsisilbing kanilang bubong. Kung ano ang kakainin ng kanilang pamilya ay siya ko ring kakainin. Kung magdidildil sila ng asin para iulam sa kanin, siya ring akin. Gayunpaman, kapalit ng pagtira ko roon, kasama ng ilan kong mga kasamahan, ay ang pagtulong sa kanilang kabuhayan na pagsasaka sa lupaing hindi nila pagmamay-ari. Nakikisaka lamang kasi sila at walang sariling lupain. Sa pangalawang araw ko roon, naranasan ko rin sa wakas ang paggapas ng palay gamit ang karit. Sabay sabay kaming naglakad patungo sa lugar ng gagapasing mga palay. Suot suot ko ang aking fitted at berdeng sweater at maong na pants pananggalang sa matatalim na dayameng aming dinaanan na maaring makasugat ng balat. Sinuong din namin ang maputik na lupain sa bukid kung saan ay may parada ng mga pulang langgam sa ilang parte na aming dinaraanan. Nangangagat ang mga ito ng talampakan at bigla na lamang mapapatili at mapapatigil ang ilan sa amin sa tuwing aatakihin ang mga paa namin ng mga ito sabay lubog ng aming mga binti sa tubig ng palayan na hanggang binti ko ang lalim at nagmula sa irigasyon. Mas mainam kung maglakad nang nakapaa sa bukid dahil hindi kakayanin ng tsinelas o sapatos ang putikang dinaraanan. Nakakadulas lamang at lumulubog pa sa putikan ang tsinelas. Hindi na ako nagtaka kung bakit marami sa mga magsasaka roon ay halos kasing tigas ng bato ang mga kalyo sa paa.
Kala ko noong una, madali lamang ang bawat paghagip ng karit sa mga palay sakto upang maputol ito ngunit hindi pala. Sa pagsubok ko nito, bahagyang nahagip ang dulo ng aking kanang hinlalaki at napasigaw ako. Pumatak ang aking dugo sa putikan. Mabuti at daplis lang at hindi nauwi sa pagkaputol ang aking daliri. Doon ko napagtantong delikado ang karit sa kaunting pagkakamali lamang sa paggamit nito.
Bukod sa mainit na sikat ng araw sa aking bumbunan habang naggagapas, may arte at angas din ang paggapas ng palay. Dapat hawakan ang palay na malapit sa bandang dulo nito at maingat na putulin ng karit nang malayo sa sarili ang parte ng palay na malapit sa ilalim. Matapos ng aming paggapas, para kaming mga batang nagtulakan, nagtawanan at nilubog ang mga sarili sa putikan na bahagyang pumawi sa napagal naming mga katawan. Hindi ko alintana ang paglamutak sa malalambot na putik at ang aking kasuotan at katawang puno na ng bahid ng putik.
Isang beses matapos ang pagkain namin ng tanghalian, nakausap ko si Mang Jaime, ang matagal nang magsasaka roon na nasa edad sisenta pataas na. Idinaraing niya sa akin ang rayuma sa kanyang likod at tuhod ngunit wala pa rin siyang balak huminto sa pagsasaka dahil ito lang naman daw ang kanyang inaasahan upang may makain sa araw-araw. Kubado na rin ang kanyang likod, kulubot na ang balat na halos bahagyang tulad ng balat ng punong kahoy, hindi kumpleto ang mga ngiping nabubulok at madalas hinahapo. Sa kabila ng mga ito, sinubukan pa niyang makipagbiruan sa akin matapos sabihing pati daliri ko ay ginagapas ko. Humagalpak ako ng tawa sa kabila ng kumikirot kong hinlalaki na nilinis ko ng alcohol at binalutan ng band-aid.
Kuwento pa sa akin ni Mang Jaime, mayroong hindi pantay na hatian sa lupa sa pagitan nila at ng mayamang may-ari ng lupa. Mula 50 hanggang 80 porsiyento raw ng kanilang ani ay napupunta sa may-ari ng lupa. Nagbabayad rin sila ng 12 hanggang 20 kabang palay bawat ektarya sa bawat anihan sa sistemang buwisan kahit pa salantahin ng bagyo, tagtuyot, baha o peste ang sakahan at halos wala nang anihin. Madalas ding nababaon sa utang ang gaya nila Mang Jaime na magsasaka kung saan may mataas na porsyento ang interes ng pautang sa kanila. Bukod dito, alam kong marami pang gustong ikuwento si Mang Jaime sa akin. Bakas na bakas ko naman ang pagdarahop sa kanyang mga nagluluhang mga mata at kondisyon ng pangangatawan. Gayunpaman, kinailangan ko na siyang iwanan upang tumungo na sa bahay ng pamilyang aking tinutuluyan.
Sa aking paglisan sa pook na iyon, baon-baon ko ang isang ala-alang nakaukit na sa aking puso at isipan. Sa pag-andar pa lang ng makina ng aming inarkilang dyip ay nasilayan ko na pagkaway ng mga taga-roon pati si Mang Jaime na nakangiti sa amin bagamat bulok at hindi kumpleto ang kanyang mga ngipin. Sa aking pag-uwi sa bahay ay nagpapasalamat pa rin akong hindi naputol ng matalim na karit ang hinlalaki ko. Ngunit sa bawat pagkirot nito ay ang kaalaman kong hindi madali ang buhay ng isang magsasaka. Iyon nga lang, ilang araw lamang ay humilom na ang sugat sa aking hinlalaki hindi tulad ng mga magsasakang araw-araw ang pakikipagsapalaran sa buhay sa bukirin. Pero isa lamang ang tiyak ko, ang peklat sa aking hinlalaki ay bakas ng aking minsang pakikipagsapalaran sa mabangis na bukiring iyon kapiling ang mga magsasakang aking nakasama. Matapos ng intergasyon, marami sa aking mga kasamahan, kabilang ako, ang naging inspiradong lumikha ng artikulo ukol sa hindi malilimutang karanasan sa kasama ang mga magsasaka.
*****
Kasabay ng pag-usbong ng sikat na sikat na social networking site na Facebook, lumikha rin ako ng aking simpleng blog kung saan ko inilalagay ang mga piling soft copy ng aking mga isinusulat. Sa ganitong paraan kasi, mas nadarama ko ang kahalagahan ng aking mga isinulat at ng pagiging isang organisadong tao.
Dahil sa blog kaya ko rin nakilala si Dido. Nagkaroon siya ng link na makapunta sa aking blog kung saan nagbibigay siya ng komento sa aking mga isinusulat. Sa una ay nahiwagahan ako sa kanya. Malay ko ba kung isa siyang stalker. Laganap na rin kasi ngayon ang mga ganung klase ng tao sa internet na ang iba ay kunwari lamang may mabuting layunin. Ngunit nagkamali ako. Hindi ganun si Dido, masasabi kong hindi siya isang masamang tao.
Personal kong nakita at nakausap si Dido sa isang kaganapan sa isang State University. Hinahanap ko kasi ang kaibigan kong si Dellia na kikitain ko roon. Isang oras na ang nakalipas ngunit hindi pa rin siya nagpapakita sa isang kolehiyo kung saan napag-usapan naming magkita. Ayoko pa naman sa lahat ay yung pinaghihintay ako ng matagal dahil pakiramdam ko nauubos lang ang oras ko sa pagtunganga, pagtingin sa orasan at pagnganga. Nanlilimahid na ng pawis ang aking katawan at mukha pero hindi pa rin siya dumarating kaya nagpalakad lakad muna ko sa loob ng kampus na parang isang nawawalang tuta. Nang makakita ako ng tindahan, bumili ako ng isang bote ng RC na isinalin sa plastik pampatanggal lang uhaw at init ng ulo. Maya maya, may biglang kumulbit sa aking likuran. Paglingon ko, nakita ko ang isang lalaking nakasalamin sa mata, nasa edad beinte pataas, kayumanggi, hapis ang katawan, may tangkad na 5’7 sa aking tantsa, at may pahabang hugis ng mukha. Naka back pack siyang bag at nakasuot ng puting printed shirt, maong pants, at sandals na panlalaki. Ngumiti siya sa akin at tinanong ako ng “kamusta?” Nagtaka ako sapagkat bago sa aking paningin ang mukha ng lalaki. Sa una inakala kong baka nagkakamali lang siya at kahawig ko lang ang kinakamusta niya pero hindi. Ako talaga ang kinakamusta niya.
Nagpakilala siya sa akin at tsaka ko napag-alamang siya pala si Dido na nagkokomento sa aking blog kung saan mayroon din akong litratong nakapaskil. Pero bukod pa roon, matagal na rin pala niya raw akong nakikita mula pa noong ako ay nasa ikatlong taon sa kolehiyo sa tuwing may kinocover akong mahahalagang kaganapang panlabas na isinasama rin sa aming dyaryo sa publikasyon. Iyong araw lamang na iyon ang aming unang malapitang paghaharap kung kaya’t nagpakilala na siya sa akin. Sandali kaming tumabi sa dinaraanan ng mga tao at nag-usap. Napag-alaman kong tapos na siya ng pag-aaral sa mismong unibersidad na iyon kung saan kami naroon. Ang sabi niya, kasalukuyan siyang miyembro ng isang progresibong organisasyon. Mahilig din siyang magsulat, isa siyang freelance na manunulat at nagsasanay rin siya sa larangan ng photography. Siyempre nagpakilala rin ako sa kanya bagamat matagal na pala niya akong nakikita. Ang sabi ko ay magiging isang guro ako pagkatapos ko ng kolehiyo. Dahil dun, “titser” ang naging tawag niya sa akin. Nagpakilala rin ako na isang manunulat sa publikasyon. Ilang sandali pa ay biglang tumunog ang aking celphone. Tinawagan na ako ni Dellia at hinahanap ako. Hindi raw ako nasagot sa kanyang mga text at kanina pa raw siya nag-iintay sa lugar kung saan kami dapat magkita. Ako pa ang sinabihan niyang “late” dahil wala daw ako dun sa lugar na yun. Mas lalo lang nag-init ang ulo ko. Bago ako umalis, kinuha ko ang numero sa cellphone ni Dido.
Mabait si Dido at nagkakasundo kami pagdating sa hilig sa pagsusulat at paborito naming mga manunulat kung kaya’t hindi naging mahirap upang siya ay maging kaibigan ko, walang malisya. Kuya na nga ang parang turing ko sa kanya at titser pa rin ang tawag niya sa akin. Matalino rin siya sapagkat marami siyang alam sa mga bagay bagay. Madali niyang maipaliwanag ang bawat paggalaw o pag-igpaw ng mga bagay sa paligid gaya ng kung magkakaroon ng bituin mamayang gabi, kung bakit may nunal ang mukha ni Gloria Arroyo, kung bakit paborito ng pusa ang pagkain ng tinik ng isda at kung ano ano pa. Pero ang isang paksang paborito niyang talakayin sa bawat kumpulan ng mga mag-aaral at iba pa ay kung bakit marami ang naghihirap na Pilipino habang iilan lamang ang nagpapakasasa sa kayamanan ng bansa.
Lumipas ang maraming araw na wala na akong balita kay Dido. Hindi na siya nagkokomento sa tuwing may bago akong isinusulat sa aking blog, hindi na siya nagpapaskil ng mga tula sa kanyang blog at lalong hindi na rin siya nagtetext sa akin upang mangamusta. Hindi ko na rin siya nakikita sa ilang mga panlabas na kaganapang aking dinadaluhan kung saan inaasahan ko ring naroon siya. Naging isang malaking pagtataka sa akin ang kanyang biglaang hindi pagpaparamdam na parang isang bulang biglang naglaho sa alapaaap. Ngunit dumating ang isang araw na nagpabatid sa akin tungkol sa kanya na biglang nagpalumo sa akin. Hindi lang pala ako ang naghahanap sa kanya. Maging ang kanyang mga kasamahan at kapamilya ay hinahanap kung nasaan na siya. Ilang linggo nang hindi mahanap si Dido. Isang buwan bago siya mamaalam patungong probinsya ay namaalam siyang babalik agad pagkatapos ng dalawang linggo. Ngunit isang buwan na ang nakalipas ay di pa rin siya bumabalik ng Maynila at walang kahit sinumang may kaugnayan sa kanya ang nakakaalam ng kanyang kasalukuyang kinaroroonan. Kahit sinuman ay di na siya magawang makontak sa kanyang cellphone. Binalikan ng mga kasamahan niya ang probinsyang kanyang pinanggalingan at may isang konduktor ng bus ang nakatanda raw sa kanyang mukha sa tulong ng kanyang larawan. Aniya, pasakay na raw si Dido ng bus pa-Maynila may tatlong lingo ang nakalipas nang biglang may isang armadong lalaki ang tila kinilala muna ang kanyang mukha at sabay hinigit siya sa magkabilang braso katulong ang dalawa pang armado ding kalalakihan. Kinaladkad nila siya at saka pilit na isinakay sa isang itim na van. Sinubukan daw niyang manlaban ngunit hindi na kinaya ng kanyang mapapayat na braso laban sa mga armadong lalaking malalaki ang katawan.
Sa aming pagkakaalam na mga nakasama ni Dido, wala naman siyang kaaway o inagrabyadong tao. Kilala ko si Dido, mabait siya at mapagkumbaba. Siya rin ang taong mas nanaisin pang lumikha ng mga tula, magbahagi ng kanyang makabukuhang kaalaman sa iba, kumain ng kwek-kwek at uminom ng buko juice kaysa humanap ng away at makipagbasag-ulo. Ang alam lang naming lahat, isang progresibong tao si Dido na walang ibang hinangad kundi ang magmulat ng kapwa sa tunay na kalagayan ng bansa. Hawak-hawak ang mga malalaking kopya ng litrato ni Dido, naging sabay-sabay naming panawagan ang paglutang sa kanya. Sa mga oras na iyon, kasama rin namin ang iba pang pamilya at kaibigang may hawak ng malalaking litrato ng nawawala rin nilang mahal sa buhay na kapwa ring mga progresibo. Ang mga nawawalang ito ang tinatawag na mga desaparecidos, isang salitang latin na sa Ingles ay “disappeared.” Hanggang ngayon sa tuwing bibisitahin ko ang aking blog, naiisip ko pa rin si Dido. Naglalaro sa aking isipan ang mga katanungang “Ano na kaya ang kalagayan niya ngayon? Nakakakain pa kaya siya? Nakakatawa? Nakakapagsulat pa kaya siya ng mga tula? Buhay pa kaya siya?...”
*****
Sa tuwing ako ay nagsusulat lalo na tuwing overnight pressworks, Madalas kong hanapin ang isang tasa ng mainit at matapang na kape na nilagyan ng cream. Iba kasi ang aromang hatid nito sa aking sintido at pang-amoy. Sa bawat lagok ko sa umuusok pang kape, pakiramdam ko’y nabubuhayan ang aking ulirat sapat upang manatili akong buhay at gising sa magdamag upang patuloy na makapag-isip at makapagsulat.
Naging labis ang aking pagkahilig sa kape nang ako ay maging punong patnugot na ng publikasyon. Palibhasa ay hindi lamang sa pagsusulat nakapokus ang aking pag-iisip kundi sa pag-eedit na rin ng mga artikulo at pangkalahatang pagtitiyak ng mga bagay. Kaya naman palagi kong hinahanap ang kapeng nagpapabuhay sa aking ulirat. Ngunit pagdating sa klase, aminado akong tila nawawala ang talab ng matapang na kape sa akin. Sa kalagitnaan kasi ng mga diskusyon, malimit akong makatulog. Maging ang ilang pagkurot ko sa aking sarili ay walang epekto. Kung minsan pa ay kunwari akong nagbabasa ng libro ngunit patagong natutulog.
Sa apat na taon kong inilagi sa pagsusulat sa publikasyon, hindi na naging bago sa akin ang iba’t ibang porma ng panggigipit sa amin upang busalan ang aming bibig sa pagsisiwalat ng katotohanan. Pinaka mabigat para sa amin ang hindi paglalabas ng administrasyon sa aming pondo na nagsisilbing dugo ng publikasyon upang manatili itong buhay. Ngunit ang pinaka mahalaga sa lahat, nanatili pa rin kami sa pagtindig para sa katotohanan. Ito ang bagay na naging mahalaga para sa aming lahat sa publikasyon at hindi na kinakailangan pa ng ilang tasa ng mainit at matapang na kape upang gisingin ang ulirat sa kahulugan ng salitang “paninindigan.”
Nagwakas lamang ang aking pananatili sa publikasyon nang magtapos ako ng kolehiyo na ginugol ko sa loob ng apat na taon. Ngunit hindi ito nangahulugan ng pagtatapos ng aking kamay sa pagsusulat. At, kasabay ng aking paglisan sa publikasyon ay ang mga mahahalagang aral at karanasang natutunan ko na humubog sa akin bilang isang manunulat. Kung kaya, ang mga aral at karanasang ito ay hindi na kailangan pang itala upang palagi kong matandaan.
*****
Sa katunayan hindi naman ako naging manunulat sa propesyon sapagkat tinahak ko ang propesyon ng pagiging isang guro. Pero magkagayunman, hindi pa rin naman nawawala ang panahon ko sa pagsusulat ng mga akda lalo na sa mga panahong inspirado ako. Alam ko, manunulat ako hindi man sa propesyon ngunit sa puso at diwa.
Kung tutuusin hindi pa rin nawawala ang kinalaman ng larangan ng pagsusulat sa aking pagiging guro. Nariyan ang karaniwang pagsusulat sa pisara, pag-iisip ng epektibong mga estratehiya sa pagsusulat ng lesson plan at mga pagsusulit, at pagtatala ng grado ng aking mga estudyante sa record book. Gayundin, naaatasan din ako sa ilang mga pagsasanay sa mga estudyante na may kinalaman sa larangan ng pagsusulat kung saan ang mga kaalamang natutunan ko tungkol dito at ilang mga karanasan ay naibabahagi ko sa kanila. Ngunit higit pa rito, sa isip at puso ng aking mga estudyante ko itinatala ang bawat butil ng kaalamang itinuturo ko sa kanila.
Ilang buwan matapos ako magtapos sa kolehiyo, sumama ako sa isang literacy program ng isang pangkat ng mga kabataan sa aming komunidad. Para itong service training na suportado ng baranggay doon. May mga nakatoka sa aming magturo ng matematika, pagbasa at agham habang ako naman ay ang nagturo ng pagsulat ng alpabetong Filipino at ng kanilang pangalan. Isinagawa ang literacy program sa isang pampublikong paaralang pang-elementarya sa aming komunidad na ipinagpaalam lamang sa principal ng Sabado at Linggo na iyon. Ang mga libro pa ng aking mga kapatid noong elementarya na itinago pa naming sa aming mala mini library sa bahay ay nagamit din sa isinagawang literacy program. Mga bata ang aming estudyante na kalimitan ay mga nasa edad anim hanggang labing dalawa. Inilagay ang bilang ng mga bata roon sa araling hindi pa sila gaanong maalam. Nasa kuwarenta ang bilang ng mga batang dumalo at mga sampu sa bilang na iyon ang tinuruan kong magsulat. Sa pagiging guro, kinakailangan talaga ang pag-iipon ng mahabang mahabang pasensya lalo na kung maliliit na bata ang tuturuan. Makukulit ang mga batang aking tinuruan na para bang laging kiti-kiting hindi mapakali sa isang upuan. Tatayo, uupo at muling tatayo at makikipagharutan sa katabing bata. Kaya baon-baon ko ang mga epektibong motibasyon para makuha ko ang kanilang atensyon.
Kabilang sa pamilya ng mga mahihirap ang mga estudyante. Bakas na bakas ito sa kanilang itsura gaya ng damit nilang sobrang ikli o sobrang laki para sa kanila, katawan nilang amoy maasim na pawis, buhok nilang parang nanlalagkit at hindi sinusuklay o shinashampoo, uhog na labas pasok sa ilong, maiitim na kuko na marahil ay nagmula sa pagkakamot nila sa kanilang katawan, at tsinelas na gomang suot nila na kundi pudpod ay hindi magkapares. Karamihan sa mga batang gaya nila ay ang mga kapos din ang kakayahang makapag-aral sa isang pribado o ekslusibong paaralan. Ang isa nga sa kanila walong taong gulang na pero hindi pa rin nakakapagsimulang magkapag-aral sa primarya.
Mayroon din akong nakilalang isang estudyante na parang si Boy Abunda kung magkuwento dahil sa maboka niyang mga kuwento, siya si Edy. Labing isang taong gulang na siya pero hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makatapos tapos sa grade two. Ang kuwento niya sa akin pagkatapos ng huling araw ng aming literacy program, madalas raw kasi siyang naliban sa klase dahil kadalasan ay walang baon at tumutulong tulong rin siya sa kanyang ama sa kabuhayang pagbebenta ng mga bote at bakal habang ang ina naman niya ay isang labandera. Bagamat libre ang pagpasok sa pampublikong paaralan, problema naman niya ang araw-araw na gastusin niya sa pamasahe at pagkain gayundin ang pambili ng mga gamit sa eskwela. Dagdag pa rito ang ilang mga kailangang bayaran sa mga proyekto. Mukhang matatag na bata kasi si Edy. Sa kabila ng kanyang nararanasang hirap hindi pa rin nawawala ang mga ngiti sa kanyang lubugang mukha. Hindi ko tuloy alam kung paraan lamang niya iyon para maikubli ang paghihirap niya sa kabila ng kanyang murang edad. At sa mga oras na iyon, hindi ko rin alam kung maiiyak ba ako, maaawa, mag-aalala, magugulat o kung ano pa man para sa kanya. Basta ang alam ko, ang batang kagaya niya ay hindi dapat nararanasan ang ganung klase ng paghihirap. Ang katulad niya ay dapat na mabigyan ng oportunidad na makapag-aral, makipaglaro sa ibang bata at maging malusog gaya ng buhay ng isang normal na bata. Ang batang kagaya niya ay naging hamon sa akin bilang isang gurong magtuturo ng marami pang katulad niya at alam ko ring higit pa siyang hamon para sa gobyerno ng bansa.
Matapos ang literacy program na iyon, natuwa naman ako sa progreso ng ilang mga batang tinuruan ko. Karamihan sa kanila ay maalam nang isulat ang kabuuan ng alpabetong Filipino bagamat ang paraan ng pagsulat sa mga titik ng iba sa kanila ay patungo sa direksyong paitaas o paibaba ng papel, sobrang liit o sobra namang laki. Pero ang mas mahalaga, kabisado na nila ang alpabetong Filipino at alam na nila kung papaano isulat ang bawat titik. Kaunting ensayo na lang para maging maayos ang kanilang sulat.
Dahil sa mga batang tinuruan kong magsulat, nagbalik tuloy sa ala-ala ko kung papaano ako unang natutong magsulat. Hindi kami mayaman para mapaturuan akong bumasa at sumulat sa isang pribadong tutor. Buti na lamang at mayroon akong mapagpasensya at masipag magturo na tita, si Ate Emy. Siya ang unang nagturo sa aking isulat ang malalaki at maliliit na titik sa alpabetong Filipino gayundin ang kabuuan ng aking pangalan sa tulong ng mga gabay na dots ng mga letrang iginuhit niya sa papel. Kinalaunan ay itinuro naman niya sa akin ang pagbabasa. Una kong natutunan ang pagbabasa ng mga salitang Filipino. Salamat talaga kay Ate Emy. Kabaligtaran kasi ni Ate Emy, hindi mapagpasensya si Mama. Madali siyang mainis kapag hindi ko agad makuha ang mga itinuturo niya. Sa pagkainis niya, nakukurot niya lang ako. Umiiyak lang ako pero naroon pa rin ang kapursigihan kong matuto.
Dumaan ako sa proseso bago matutunan ang tipikal na paraan ng pagsusulat gaya ng iba pa. Gaya ng kung papaano ko unang natutunang isulat ang bawat titik sa alpabetong Filipino, makapagsulat ng mga salitang nakabuo ng isang pangungusap hanggang sa makabuo ng isang talata. Lahat ng bagay ay natututunan at mas napapaunlad naman kung gugustuhin. Higit sa lahat, dumaan ako sa proseso kung papaano ko natutunan ang maging isang manunulat. Iyong manunulat na makabuluhan, may paninindigan at higit sa lahat, may mga mambabasang pinaglalaanan. Kung papaano kasi matutunan ang magsulat, isip ang kadalasang ginagamit ngunit kung papaano matutunan ang maging isang manunulat, bukod sa isip ay kailangan ng aplikasyon ng puso, ng buong pagkatao.
Nagbalik saking gunita ang ilang mga karanasang aking naranasan at mga taong nakasalamuha ko mula noong ako ay bata pa hanggang sa umabot ako sa edad ko ngayong bente uno—ang pagkakaiba ng paraan ng pagtuturo sa akin ni Mama at ni Ate Emy, ang pakialamerong si Kuya, ang naglahong si Dido, ang mga kuwento nina Mang Jaime at Edy, ang buhay ng mga naging pansamantalang pamilya ko sa integrasyon, ang hindi birong paggapas ng palay sa bukirin, ang papasok ko sa mundo ng pagiging isang manunulat sa publikasyon at marami pang iba. Bente uno pa lamang ako at sa pagpapatuloy ng aking buhay, alam kong marami pa ako makakasalamuhang mga bagong mukha. Marami pa akong bagay na matutunan at mararanasan kasama ang aking panulat na mahilig magtae ng mga salita at ideya. At, ang aking panulat na palaging game kahit saan, kahit kailan.
Subscribe to:
Posts (Atom)