Monday, January 17, 2011
Punla
Paano nga ba lumuha
ang mga pesante sa kanayunan?
Kung halos lahat ng kanilang luha’y naidilig na
sa lupang sinasakang kinamkam ng mga ganid sa lupa.
Paano nga ba sila umawit ng pagsinta?
Kung ang nilalamyos ng kanilang damdamin
ay ang himig ng paglaya’t
pagtangis sa dinustay na karapatan.
Paano nga ba sila magpuyos sa galit?
Kung ang pagkatao nila’y binahiran ng putik
at dugo’y dumanak sa punla
hanggang sa ang nadarama’y higit pa sa salitang “galit.”
Paano nga ba sila mabuhay?
Kung ang katumbas ng buhay sa kanila’y parusa
at sa kaibuturan ng laman at buto’y salat
maliban sa pusong naghihimagsik, nagliliyab na karit.
Saturday, January 15, 2011
Bukol
Ilang ulit na pagtataga sa bato na nga ba
ang ‘yong ginawa
mula sa pagsambit na “kalilimutan ko na siya”?
Hindi mo na mabilang.
Ngunit ang bawat sambit ng paglimot
ay solidong ipinupukol lamang ng bato pabalik sa ‘yong ulo
na lalo lamang umuukit ng mahiwaga niyang marka
sa sintido ng ‘yong ala-ala.
Bagamat nais mo siyang limutin,
hindi maitatatwa ng puso mong ligalig
ang pagnanais ng mahigpit na pagbigkis
ng kanyang palad sa’yong palad
gaya ng minsan niyang ginagawa noon.
Hinahagilap mo ang nagpupuyos niyang yakap na sapat upang pawiin
ang nanlalamig mong damdamin.
Aminado ka man o sa hindi,
hanggang ngayo’y napapangiti ka pa rin
sa wirdo niyang mga drama.
Binabakas pa rin ng ‘yong pandinig
ang boses niyang animo’y hinuhugot sa hukay,
at ang samu’t sari niyang mga istoryang tila ayaw pang wakasan.
Minumulto ka ng matagalang pagkawala ng kanyang presensya,
ang presensyang walang katiyakang petsa o oras
kung kailan mo muling masisilayan.
Para kang isang haliparot na nakikisaliw
sa indayog ng isang gabing kahibangan
kung saan hindi mo na maaninag ang umaga.
Ilang ulit na pagtataga sa bato na nga ba
ang ‘yong ginawa
mula sa pagsambit na “kalilimutan ko na siya”?
Hindi mo na mabilang.
Ngunit naniniwala kang darating din ang araw
na ang pinal mo nang masasambit
ay ang makapangyarihang salitang “Nakalimutan ko na siya.”
At, iyon na ang pinakahuli.
* tulang pahaging lang para sa hindi pa rin makapaglaro ng golf.
Subscribe to:
Posts (Atom)